Mga bata, hindi kasama sa prayoridad na mababakunahan

Hindi kasama ang mga bata sa inisyal na COVID-19 immunization program ng pamahalaan lalo na at ang mga kasalukuyang available na bakuna ay hindi pa inaapruahan para sa paggamit nito.

Ayon kay Cabinet Secretary Karlo Alexei Nograles, ipaprayoridad ng pamahalaan sa vaccination drive ang mga may edad lagpas sa 16 o 18-anyos para maabot ang herd immunity laban sa coronavirus.

Ang mga COVID vaccine ay maaari lamang iturok sa mga taong may edad 16-anyos pataas batay na rin sa impormasyon mula sa mga manufacturers.


Nilinaw ni Nograles na may sapat na pondo ang gobyerno para mabakunahan ang sapat na bilang ng mga Pilipino, hindi kasama ang mga nasa underage group.

Aniya, may ilang bakuna na hindi maaaring iturok sa mga 16-anyos pababa habang may ilang brands na hindi pwedeng iturok sa mga 18-anyos pababa.

Ang age restriction sa paggamit ng COVID vaccines ay binanggit ng Palace Official para ipaliwanag ang dahilan ng pamahalaan kung bakit hindi bumili ng bakuna para sa lahat ng Pilipino.

Ang mga bibilhing bakuna ay para lamang sa 70 milyong Pilipino, kung saan naglaan ang gobyerno para sa 75 billion pesos para sa pagpapabakuna ng 57 million recipients habang ang natitirang 13 million beneficiaries ay makatatanggap ng bakuna mula sa Local Government Units at sa pribadong sektor.

Sa ngayon, ang gobyerno ay nasa advanced negotiations para sa pagbili ng COVID-19 vaccines.

Facebook Comments