Mga bata, kailangang mabakunahan na rin bilang proteksyon laban sa COVID Delta variant

Sa gitna ng mabilis na pagkalat sa bansa ng mas delikadong Delta variant ng COVID-19 ay iginiit ni Senador Win Gatchalian na dapat mabakunahan ang mga bata sa lalong madaling panahon upang hindi sila maging “variant factories.”

Tinukoy ni Gatchalian ang pahayag ng World Health Organization (WHO) na ang mas nakakahawang Delta variant na unang natuklasan sa India ay ang pinakamabilis kumalat na COVID-19 variant.

Ayon kay Gatchalian, kapag mayroon na tayong sapat na suplay ng bakuna ay maaari na nating bakunahan ang mga menor de edad na mahalagang paghahanda rin sa ating pagbabalik sa face-to-face classes.


Ang panawagan ni Gatchalian ay sa harap ng ginagawang pagbuo ng Department of Education (DepEd) at Department of Health (DOH) ng mga pamantayan sa unti-unting pagbabalik sa face-to-face classes.

Binanggit din ni Gatchalian ang sinabi ng DepEd na hindi bababa sa 100 mga paaralan ang nakatakdang makilahok sa pilot study ng limited face-to-face classes sakaling aprubahan na ito ng pangulo.

Paliwanag pa ni Gatchalian, makakatulong ang pagbabakuna para magkaroon ng dagdag na proteksyon ang mga mag-aaral lalo pa’t ang mga paaralan ay napapalibutan ng mga economic activity tulad ng paggamit ng transportasyon at pagpapatakbo ng mga negosyo.

Facebook Comments