Kinumpirma ng isa sa mga miyembro ng “Soldiers of God” ng kultong Socorro Bayanihan Services Inc. (SBSI) na ginagamit na sundalo ng grupo ang mga batang edad anim hanggang pitong taong gulang.
Sa joint hearing ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs at Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality, nabatid na mayroong mga levels ang mga kasapi ng “Soldiers of God” kung saan ang tinutukoy na “God” o Diyos dito ay ang lider ng kulto na si Jay Rence Quilario o si “Senyor Agila”.
Ayon kay Jeng Plaza, isa sa mga kasapi ng “Soldiers of God”, may mga antas o cluster ang mga sundalo, ang Agila na siyang pinakamataas, sinundan ng Agnus, Bium, Ciera, Elli, Deo at ang pinakamababang cluster ang Fetus.
Aniya ang Fetus Cluster ay binubuo ng mga sundalong bata na may edad na anim hanggang pitong taong gulang.
Ikinagulat naman ito ni Senator Risa Hontiveros dahil ang mga ganitong edad ay dapat nasa grade school o pre-school.
Ibinunyag ni Atty. Richard Dano ng Socorro Task Force Kapihan na batay sa isinumiteng counter affidavit ng SBSI, binubuo ng 650 na mga bata ang Fetus Cluster na may 20 staff.
Sa halip na paglalaro at pag-aaral ay katakot-takot na paghihirap sa pagsasanay ang pinagdadaanan ng mga batang sundalo katulad ng pagbubuhat ng buhangin, pagsasanay ng arnis at masi-masi military exercise, at kapag nagkamali o may nilabag sa kanilang rules ay pinaparusahan ang mga bata ng military style na ehersisyo at pina-paddle.
Maliban dito, ikinabigla rin ni Hontiveros na ang Elli Cluster ay binubuo ng mga ‘nursing mothers’ o mga kapapanganak lang at ayon kay Atty. Dano ito naman ay mayroong 552 members at 16 na staff.