Maaaring gumamit ng seat belt ang mga batang 12-anyos o pababa kung masyado na silang matangkad para sa car seats.
Ito ang paglilinaw ng Land Transportation Office (LTO) kasabay ng pagpapatupad ng Child Safety on Motor Vehicles Act ngayong araw.
Sa ilalim ng batas, bawal nang umupo sa harapan ng sasakyan ang mga bata sa ilalim ng nabanggit na edad.
Ayon kay LTO Deputy Director for Law Enforcement Roberto Valera, kung hindi na magkasya ang bata sa booster seat ay maaari silang gamitan ng seat belt.
Patuloy rin ang gagawin nilang information campaign sa loob ng tatlo hanggang anim na buwan para bigyang kaalaman ang mga driver hinggil sa bagong batas.
Aalamin naman ng Department of Trade and Industry (DTI) ang mga car seats na pasok sa international standards.