Hindi obligado ang mga magulang na ipabakuna ang kanilang mga anak para lang makasali sa limited face-to-face classes.
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni Education Sec. Leonor Briones na bagama’t hindi mandatory ay hinihikayat naman nila ang mga magulang at guardian na pabakunahan ang mga bata bilang proteksyon mula sa COVID-19.
Ani Briones, sa huli ay nasa kamay pa rin ng mga magulang kung papabakunahan nila ang kanilang mga anak.
Gayunpaman, sinabi ng kalihim na para sa mga guro at iba pang non-teaching staff ay mandatory o obligado ang mga ito lalo na ang mga kasali sa face-to-face classes.
Ang mga guro aniya na hindi fully vaccinated ay kailangang magpakita ng negative RT-PCR test result bago sila payagang makapasok sa paaralan.
Sa pinakahuling datos ng Department of Education, umaabot na sa 4,295 mga paaralan sa bansa ang kasali sa limited face-to-face classes kung saan 76 dito ay pawang mga pribadong eskwelahan.