MGA BATANG MAG-AARAL SA ILOCOS REGION, SINANAY NG DOST SA KAHANDAAN SA SAKUNA

Sinanay ng Department of Science and Technology (DOST) Ilocos Region ang mga batang mag-aaral sa kahandaan sa sakuna sa pagpapatuloy ng MAGHANDA for Kids program na isinagawa sa ginanap na 3rd MANGIDAULO REHIYON UNO: Regional Learners’ Convergence sa Bolinao, Pangasinan.

Sa aktibidad, nagsagawa ng talakayan ang mga eksperto mula sa DOST–Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) hinggil sa mga geologic hazards tulad ng pagputok ng bulkan at lindol, kabilang ang tamang paghahanda bago, habang, at pagkatapos ng mga ganitong sakuna.

Ipinakilala rin sa mga mag-aaral ang PHIVOLCS Earthquake Intensity Scale (PEIS) bilang gabay sa wastong pag-uulat ng lakas ng lindol.

Binigyang-diin sa pagsasanay ang pag-unawa sa mga hazards at ang kahalagahan ng maagap na paghahanda upang mabawasan ang epekto ng mga sakuna.

Bahagi ng programa ang pagpapakilala sa mga digital tools ng PHIVOLCS gaya ng HazardHunterPH, How Safe Is MyHouse, VolcanoPH, at opisyal na website ng ahensya bilang suporta sa disaster risk reduction.

Sa pamamagitan ng mga talakayan at demonstrasyon, nabigyan ang mga mag-aaral mula sa iba’t ibang bahagi ng Ilocos Region ng kaalaman at kasanayan na magagamit sa pagpapalakas ng kahandaan at kaligtasan sa kanilang mga paaralan at komunidad, katuwang ang DepEd Region I.

Facebook Comments