Inatasan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga awtoridad na sagipin ang mga batang dinukot ng mga rebeldeng komunista at maibalik sila sa kanilang mga magulang.
Ayon kay Pangulong Duterte, ang mga law enforcers ay hindi kailangang magpakita ng warrant para masagip ang mga batang hawak ng mga rebelde.
Binigyang diin ng Pangulo ang problema ng insurgency kabilang ang child recruitment at rebel taxation.
“Yung human trafficking it’s not only the people with selling sex slaves. Itong mga NPA, kinukuha nila ‘yung mga anak. Dinadala nila sa ibang lugar. Kunin ninyo yung mga bata at isauli ninyo sa mga nanay at tatay because a child, a minor should not be separated from the family home,” ani Pangulong Duterte.
“If the child is inside the house, there’s already a crime committed. So you don’t need a warrant to go in. Puntahan sa loob at kunin ang mga bata at isauli at the earliest opportunity,” dagdag pa ng Pangulo.
Pagtitiyak ng Pangulo na aakuin niya ang buong responsibilidad sa kampanya laban sa Communist Insurgency.
Pero aminado ang Pangulo na laganap ang problema ng insurgency sa Caraga region, kaya kailangang ipursige ang mga proyekto na tutugon sa mga isyung panseguridad.
Inatasan ni Pangulong Duterte si Agrarian Reform Secretary John Castriciones na pabilisin ang pamamahagi ng lupa sa mga benepisyaryo.
Ang pahayag ng Pangulo ay kasunod ng mga ulat na may ilang indigenous children mula sa isang retreat house sa Cebu ang nahikayat na sumali sa Communist rebels.