Manila, Philippines – Mas mahabang oras na ang ginugugol ng mga bata sa internet-enabled devices kaysa sa manood sa telebisyon.
Ito ang lumabas sa pag-aaral ng kids digital media company na ‘TotallyAwesome’.
Base sa pag-aaral, 84% ng mga batang Pilipino ang mas pinili ang internet kaysa sa telebisyon.
Lumalabas din na tinatayang nasa 82 oras na nakababad ang mga bata sa internet bawat buwan sa pamamagitan ng kanilang mga smartphones (81%), tablets (56%) at TV (54%).
Nadiskubre rin na 55% ng mga batang respondent ay mayroong sariling smartphone, 47% ang may tablet at 17% ang may sariling TV.
Advantage na rin ito para sa mga advertisers dahil 83% ng mga respondents ang nagsabing mas marami silang nakikitang mga bagong laruan online, 89% naman ang nalalaman agad ang mga bagong TV program online.
Dito na papasok na 64% ng mga respondents ang humihiling sa kanilang mga magulang na bilhan sila ng mga produktong nakita nila sa internet, habang 45% naman ang nagsabing nabili nila ang produkto sa sarili nilang pera.
Isinagawa ang pagtatanong noong October 2018 sa 320 internet users na may edad 4 hanggang 16 na taong gulang sa Pilipinas.