Mga batas at regulasyong pangkalikasan, rerebyuhin ng DENR

Pag-aaralan muli ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang mga batas at regulasyon na may kinalaman sa kapaligiran at yamang kalikasan.

Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni DENR Usec. Jonas Leones na importanteng mabusisi kung anong pag-amyenda ang maaring gawin sa mga batas at regulasyong ito para matugunan ang mga depekto.

Kabilang sa mga batas na ito ay Solid Waste Management Act, Clean Air Act, Clean Water Act at mga batas sa pagmimina.


Layunin aniya nito na maging mas responsable ang publiko at iba’t ibang sektor maging ang mga kompanya ng pagmimina.

Binigyang diin ni Leones na bagama’t isinusulong dito ang pagkakaroon ng kita ng gobyerno lalo na sa industriya ng pagmimina, kailangan din itong balansehin at tiyaking nakasusunod sa itinatakdang batas ang mga kompanya ng pagmimina.

Babala ni Leones, kapag nakita o napatunayang hindi sumusunod sa batas pangkalikasan ang mga kumpanyang ito o maging ang publiko, hindi sila magdadalawang isip na ipatigil ang operasyon o maglabas sila ng freeze order laban sa mga ito.

Pero inamin ni Leones na mahina ang kakayahan ng ahensiya sa enforcement dahil umaasa lang din aniya sila sa ibang law enforcement agencies tulad ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP).

Facebook Comments