Mga batas para sa energy and water conservation at trabaho para sa mamamayan, inaasahang maipapatupad ng mahigpit simula ngayong 2024

Para kay House Committee on Ecology Chairperson at Biñan City Rep. Marlyn Alonte, ngayong 2024 ay mahalagang matutukan ang pagtugon sa epekto ng El Niño at La Niña na parehong naghahatid ng matinding pinsala sa mamamayan at sa buong bansa.

Bunsod nito ay umaasa si Alonte na simula ngayong taon ay magiging mahigpit ang implementasyon ng mga batas para sa conservation ng tubig at enerhiya para mapalakas ang paghahanda at pagtugon sa mga kalamidad.

Sabi ni Alonte, maaring gamitin ng ating mga lokal na pamahalaan sa pagsasakatuparan nito ang bilyun-bilyong dolyar na pondo ng World Bank para sa climate change at disaster management.


Bukod dito ay iginiit din ni Alonte ang pangangailangan na maipatupad ng lubos ng mga kinauukulang ahensya ng gobyerno at mga lokal na pamahalaan ang Republic Act 11962 na nagtatakda ng Trabaho Para Sa Bayan Plan.

Paliwanag ni Alonte, dapat matiyak na mayroong trabaho ang mga Pilipino para makapagpatuloy ang kanilang buhay sa harap ng mga inaasahang trahedya o kalamidad na epekto pa rin ng pandemya at patuloy na pagtaas ng bilihin.

Facebook Comments