Tiniyak ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez ang pagprayoridad ng Mababang Kapulungan na maipasa ang mga panukalang batas na lilikha ng marami pang negosyo para makapagbigay ng mas maraming trabaho sa mga Pilipino.
Pahayag ito ni Romualdez sa kanyang pagdalo kamakailan sa ika-44 National Conference ng Employers Confederation of the Philippines (ECOP).
Binanggit ni Romualdez na kasama sa mga panukalang pinabibilisan niya ang magpapadali sa pagbubukas ng mga negosyo sa pamamagitan ng pag-aalis ng mga “lagayan” at sangkaterbang requirements o “red tape” na rason kaya nahihirapan at nate-turn off ang mga negosyante at mga mamumuhunan sa bansa.
Sinabihan din ni Speaker Romualdez ang mga foreign dignitaries na dumalo sa pagtitipon na ngayon ang tamang panahon para magnegosyo sa bansa dahil malakas ang ekonomiya at popular ang pangulo.
Nagpasalamat naman si Speaker Romualdez sa mga lider ng mga negosyante sa kanilang pagharap sa hamong dala ng COVID-19 pandemic sa pamamagitan ng pagpapanatiling bukas ng kanilang mga negosyo para sa mga empleyadong Pilipino.