
Nanawagan si Pwersa ng Pilipinong Pandagat (PPP) Party-list Representative Harold Duterte sa mga kapwa mambabatas na pag-aralang mabuti at pagnilayan ang mga prinsipyo at batayan ng impeachment.
Ito ay sa harap ng panibagong impeachment complaint na planong ihain laban kay Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Rep. Duterte, dapat suriing mabuti ng mga kongresista ang mga ebidensyang nakapaloob sa reklamo at bumoto batay sa konsensya, katotohanan, at sa Saligang Batas.
Diin pa ni Congressman Duterte, malinaw na itinatakda ng Konstitusyon ang mga basehan ng impeachment na kinabibilangan ng culpable violation of the Constitution, pagtataksil sa bayan o sa tiwala ng mamamayan, bribery, graft and corruption, at iba pang matitinding krimen.
Aniya, kung ang mga ito ang pagbabatayan, malinaw na hindi ang Bise Presidente ang nararapat na ilagay sa “hot seat” o sampahan ng reklamong impeachment.
Giit pa ni Duterte, napakarami pang suliranin ng bansa kaya inaasahan ng taumbayan na tututok ang Kongreso sa pagpasa ng mahahalagang batas sa halip na lumikha ng political crises kahit wala umanong malinaw na kaso o matibay na basehan.
Paalala ni Rep. Duterte, ang impeachment ay hindi dapat gawing sandatang pampulitika dahil isa itong bihira at mabigat na proseso na nararapat lamang gamitin kung may tunay at malinaw na pagkakasala.










