Nakahanda at mayroon nang maigting na koordinasyon ang mga lokal na pamahalaan na dinadaluyan ng Agno River sa San Roque Power Corporation bago pa mag-umpisang magpakawala ng tubig ang San Roque Dam kahapon.
Sa naging panayam ng IFM News Dagupan kay San Manuel Municipal Disaster Risk Reduction Management Officer Christopher Balleras, personal na umano silang humiling sa pamunuan ng SRPC na maging una sa abiso ng dam release bilang unang bayan na dadaluyan sa pagbubukas ng gate.
Ayon naman kina Villasis at Asingan MDRRMO Officers Engr. Erwin Policarpio at Engr. Eleterio Laroya, maaga nang naabisuhan ang nasa sampung barangay mula sa dalawang bayan na malapit sa Agno River sa maagap na pagbabantay sa lebel ng tubig maging ang nakahandang heavy rescue vehicles upang sumaklolo sakaling kailanganing ng rescue.
Bilang karagdagan, pinatunog din ang early warning systems o sirena sa mga bayan para sa kaalaman ng mga residente.
Samantala, bilang tugon sa dam release, nagpatupad naman ng forced evacuation ang lokal na pamahalaan ng Aguilar sa mga residenteng nakatira sa mga barangay na nasa paligid ng Agno River.
Base sa SRPC, isang gate lamang ng dam ang bubuksan na magpapakawala ng nasa 0.5metro o bawas na 65 cubic meters kada Segundo.









