Doble ang ginagawang pagbabantay ngayon ng Cagayan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office sa posibleng pagbaha sa ilang bahagi ng probinsya dahil sa Bagyong ‘Obet.’
Ayon kay Cagayan PDRRMO head Rueli Rapsing, partikular nilang mino-monitor ang mga bayan na dinaanan din noon ng Bagyong Maymay at Neneng.
Aniya, kapag nagtuloy-tuloy ang pagtaas ng baha ay ibabalik nila sa evacuation center ang kanilang mga residente na halos kauuwi lang din matapos na lumikas noong kasagsagan ng Bagyong Neneng.
Sa ngayon, limang bayan na ang nagsagawa ng preemptive evacuation bilang paghahanda sa Bagyong Obet.
“Since Wednesday afternoon, kami ay inuulan na po dito sa Cagayan. Kami ay patuloy na nagmomonitor dito sa nagbi-build-up na mga tubig-baha sa ilang mga bayan natin. Ito rin yung mga bayan na dinaanan ng Tropical Depression Maymay at Tropical Storm Neneng,” saad ni Rapsing sa interview ng RMN Manila.
Samantala, nanawagan ng tulong ang Cagayan PDRRMO sa Department of Agriculture para sa mga magsasaka na pinadapa ng sunod-sunod na bagyo.
“Panahon pa ng Tropical Depression Florida nitong August e pinadapa na ang ating mga magsasaka. Inabutan talaga sila kasi a month before harvest time, umabot ng mahigit isang bilyon yung damage to agriculture natin. Tapos sinundan ni [Maymay], nagkaroon tayo ng total damage na another 500 million. And then, itong kay Neneng, the total damage combined infrastructure and agriculture is 700 million, and then ito na naman [Bagyong Obet],” dagdag niya.