Pinuri ni Parañaque City Mayor Edwin Olivarez ang ilan sa mga tumatanggap ng pension gayundin ang mga benipisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) na nagpakita ng kanilang katapatan at kabutihang loob.
Ito’y sa pamamagitan ng pagsasauli ng kani-kanilang tinanggap na cash aid na galing sa Social Amelioration Program (SAP) ng gobyerno.
Ayon kay Olivarez, may kabuuang 178 na benepisyaryo ng 4Ps sa lungsod ang nagsauli ng naturang ayuda makaraang malaman ng mga ito na hindi sila kwalipikado sa cash aid ng SAP.
Kasabay nito, sinabi ni Olivarez na sa pagsasauli ng mga natanggap na cash aid mula sa SAP, magiging kampante na siya na makukumpleto ang pamamahagi ng cash aid sa 77,674 benepisyaryo.
Nakasisiguro rin si Olivarez na matatapos ng City Social Worker and Development (CSWD) ang pamamahagi ng naturang cash aid sa mga kwalipikadong benipisyaryo sa 16 na barangay sa buong lungsod ngayong araw na ito kung saan umabot na sa higit sa 90% ang ginawang distribusyon ng lokal na pamahalaan.