Sinimulan na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang pamamahagi ng emergency cash subsidies sa mga kwalipikadong benepisyaryo na tinukoy ng Department of Agriculture (DA) at Department of Labor and Employment (DOLE).
Ayon kay DSWD Secretary Rolando Bautista, higit 142,000 beneficiaries ng DOLE sa ilalim ng Tulong Panghanapbuhay para sa Displaced/Disadvantaged Workers (TUPAD) Program, #Barangay Ko, Bahay Ko (#BKBK) Disinfection/Sanitation Projectm at nasa 292,000 recipients ng DA ay makikinabang mula sa ikalawang bahagi ng Social Amelioration Program (SAP).
“Sa kasalukuyan ay prinoproseso ang payroll upang makapagsimula tayo sa pamamahagi ng ayuda.
Inaasahang nasa mahigit 142,000 benepisyaryo ng DOLE at higit sa 292,000 benepisyaryo ng DA ang tatanggap ng karagdagang ayuda,” sabi ni Bautista.
Dagdag pa ni Bautista, makatatanggap ng top up assistance mula sa DSWD ang mga benepisyaryo mula sa DOLE at DA.
“Sa pakikipag-ugnayan sa DOLE at DA, naisumite na ang mga listahan ng benepisyaryo na nakatanggap ng emergency subsidy mula sa kanilang ahensya.
Ito ay sumailalim din sa deduplication process upang matiyak na walang benepisyaryo ang tumatanggap o tatanggap ng ihigit sa isang emergency subsidy package,” ani Bautista.
Sa ilalim ng Joint Memorandum Circular no.2, ang natitirang balance sa regional subsidy ng first tranche ay ibibigay sa second tranche.
Sakop ng second phase ng SAP ang Central Luzon (maliban sa Aurora Province), National Capital Region (NCR), CALABARZON, Benguet, Pangasinan, Iloilo, Cebu, Bacolod City, Davao City, Albay at Zamboanga City.