Mga benepisyaryo ng SAP 2, bumaba sa higit 14 na milyon ayon sa DSWD

Hindi na 17 milyon, kundi aabot na lamang sa higit 14 milyon ang natukoy ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na mga benepisyaryo ng second tranche ng cash subsidy sa ilalim ng Social Amelioration Program (SAP).

Ayon kay DSWD Undersecretary Rene Glen Paje, bumaba sa 14.1 milyon ang SAP 2 beneficiaries matapos repasuhin ang mga datos.

Kabilang na sa bagong listahan ay higit 1.3 milyon beneficiaries ng Pantawid Pamilya Pilipino Program (4Ps), higit 5 milyon low-income at non-4Ps households, 2.4 milyon ‘waitlisted,’ low-income at non-4Ps beneficiaries, at 700,000 ‘waitlisted recipients mula sa mga lugar na isinailalim sa Enhanced Community Quarantine (ECQ).


Aniya, tinanggal na rito ang duplicates o doble ang natanggap na ayuda, ineligible o mga hindi kwalipikado, at mga boluntaryong nagsauli ng kanilang ayudang natanggap.

Dagdag pa Paje, nakapagsumite lamang ang Local Government Units (LGUs) ng listahan ng nasa 3.2 milyon ‘waitlisted’ beneficiaries mula sa 5 milyon target beneficiaries.

Sa ngayon, ang DSWD ay nakapamahagi na ng ₱62.5 bilyon na halaga ng SAP 2 sa 9.6 milyon beneficiaries sa buong bansa.

Facebook Comments