Mga benepisyaryong ginagamit lang sa bisyo ang kanilang natatanggap na cash assistance mula sa gobyerno, binalaan ng DSWD

Nagbabala si Department of Social Welfare and Development (DSWD) Under Secretary Camilo Gudmalin sa mga benepisyaryong ginagamit lang sa bisyo ang kanilang natatanggap na cash assistance mula sa gobyerno.

Ayon kay Gudmalin, makabubuting i-refund na lang ng mga ito ang kanilang natatanggap na ayuda, kaysa gamitin sa maling paraan tulad ng droga at sabong.

Marami pa kasi aniyang pamilya ang lubos na nangangailangan at karapat-dapat na tumanggap ng tulong mula sa gobyerno.


Kasabay nito, inihayag ni DSWD Secretary Rolando Bautista na nakakatanggap na rin ng pagbabanta at pananakot ang mga staff at personnel ng DSWD mula sa mga benepisyaryong hindi kuntento sa tinanggap na ayuda.

Pero siniguro ni Bautista ang proteksiyon at kaligtasan ng kanyang mga tauhan na patuloy na namamahagi ng tulong sa mahihirap na pamilya.

Nangako din si Bautista na tuloy ang kanilang trabaho at aayusin kaagad ang anumang pagkukulang at hindi pagkakaintindihan para maging madali ang pagtulong sa mga pamilyang naapektuhan ng COVID-19.

Facebook Comments