Cauayan City, Isabela- Ibinahagi ni Atty. Jonathan Villasotto, Deputy Executive Director ng Employees Compensation Commission (ECC) ang mga benepisyo na ibinibigay sa mga pribado at pampublikong manggagawa sa ilalim ng kanilang Compensation program.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Atty. Villsotto, kabahagi aniya ng DOLE ang ECC sa pagpapatupad ng labor laws partikular sa pagbibigay ng benepisyo sa mga manggagawa kabilang ang mga uniformed personnel.
Ang compensation program ay karagdagang benepisyo na tulong ng ECC sa isang empleyado maliban sa ibinibigay na ayuda ng SSS, GSIS at Philhealth.
Aniya, binibigyan ng disability benefits ang isang empleyado na nagkasakit, naaksidente o namatay habang nasa oras ng kanyang trabaho o basta work related.
Halimbawa dito ay kung mayroong nangyaring masama sa empleyado habang papunta sa trabaho o di kaya’y lumabas sa pinagtatrabahuan na may koneksyon sa trabaho at kung nagkasakit dahil sa trabaho.
Hindi aniya sakop ng programa ang ‘personal deviation’ o pagkakaaksidente o pagkamatay na walang kinalaman sa pinapasukang trabaho.
Dagdag pa ni Villasotto, layon din ng programa na mabigyan rin ng sariling pagkakakitaan ang mga empleyado ng pribado o pampublikong sector bukod sa tatanggaping buwanang pensyon.