Mga benepisyo ng frontliners, tiyak na matatanggap

Siniguro ng pamahalaan na makatatanggap ng Special Risk Allowance ang frontliners na nagbubuwis ng buhay ngayong nahaharap ang bansa sa pandemya.

Sa Laging Handa public press briefing sinabi ni Department of Budget and Management (DBM) Secretary Wendel Avisado na ang Special Risk Allowance ay katumbas ng 25% ng kanilang buwanang sweldo.

Maliban pa aniya ito sa hazard pay na itinaas na ngayon sa ₱500 kada buwan alinsunod sa Bayanihan to Heal as One Act.


Ayon kay Avisado, bahagi ito ng pagkilala ng pamahalaan sa kanilang lakas ng loob at dedikasyon sa trabaho ngayong nahaharap ang bansa sa COVID-19 pandemic.

Ang Special Risk Allowance ay para may maipangtustos aniya ang frontliners sa kanilang pangangailangan habang nagsiserbisyo, katulad ng mga personal na gamit, vitamins at iba pang kailangan para maproteksyunan ang kanilang kalusugan.

Binigyang diin ni Avisado na marapat lamang mapagkalooban ng Special Risk Allowance ang mga frontliner dahil hindi biro ang peligrong sinusuong nila sa tuwing pumapasok sa trabaho.

Facebook Comments