Nanawagan si Senator Imee Marcos kay Pangulong Rodrigo Duterte na siguraduhing hindi atrasado ang mga Medal of Valor benefits para sa mga pamilya ng 44 Special Action Force (SAF) commandos na namatay sa 2015 Mamasapano tragedy.
Ang panawagan ni Marcos sa Pangulo ay kasabay ng ika-6 na taon ng trahedya na dulot aniya ng bara-barang operasyon ng pulisya para madakip ang mga teroristang si Zulkifli Abdhir alyas Marwan at Basit Usman.
Tinukoy ni Marcos na patuloy ang hinanakit ng mga pamilya ng magigiting na SAF 44 na naghihintay pa rin ng hustisya at ng atrasadong tulong pinansyal sa pang-hanapbuhay at sa edukasyon ng mga naiwang anak.
Ayon kay Marcos, napaka-emosyonal ng Mamasapano tragedy dahil marami sa SAF 44 ay mga taga-Norte at mga IP o Indigenous People.
Binanggit pa ni Marcos na base sa impormasyong lumabas ay tila pinabayaang mamatay ang SAF 44 na tila mga tao-tao lang sa video game matapos bigyan ng otorisasyon sa operasyon ang suspendidong hepe ng Philippine National Police (PNP).