Pinalawig pa ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang coverage ng kanilang hemodialysis sessions ngayong taon.
Ayon kay PhilHealth Corporate Communication office senior manager Rey Balena, mula sa 90 sessions ay itinaas sa 144 ang ibibigay na sessions sa hemodialysis patient hanggang Disyembre 31, na katumbas ng ₱374,000 mula sa dating ₱234,000.
Maaaring mag-avail ng naturang benepisyo ang lahat ng miyembro ng PhilHealth at mga kwalipikadong dependents nito na may Stage 5 – Chronic Kidney Disease basta’t siguraduhin lamang na naka-enroll ito sa PhilHealth dialysis data base.
Bukod dito, mayroon pang ibang benepisyo ang mga kwalipikadong pasyente tulad ng peritoneal dialysis benefit na nasa ₱270,000 kada taon, gayundin ang kidney transplant benefit.
Dagdag pa ni Balena, kung ang pasyente ay may pagkakataon magka-transplant at mayroong donor para sa kanilang bato ay sasagutin ng PhilHealth ang ₱600,000 na benepisyo para sa kidney transplantation.
Samantala, nilinaw naman ng PhilHealth na hindi pwedeng maidadagdag sa mga susunod na taon ang mga hindi nagamit na session sa kasalukuyang taon, kung kaya’t dapat gamitin ng pasyente ang naturang benepisyo.