Mas pinalawak at pinadami ng DSWD ang mga benepisyo sa 4Ps kasunod ng pagpapatibay sa Implementing Rules and Regulations (IRR) ng Republic Act of 11310.
Sa ilalim ng IRR, mas marami pang mahihirap na pamilya ang makikinabang sa 4Ps tulad ng pagbibigay ng livelihood opportunities at karagdagang cash grants.
Kanina pormal nang isinagawa ang ceremonial signing ng IRR sa Quezon City na pinangunahan ni DSWD Secretary Rolando Bautista kasama ang ilang opisyal ng Department of Health (DOH), Department of Education (DepEd) at mga kinatawan ng ahensya na bumuo ng IRR.
Nakasaad sa 4Ps Act, mula sa P500 halaga ng health grant kada buwan, magiging P750 kada buwan na ang makukuha ng mga benepisyaryo.
Magkakaroon na rin ng pagtaas sa buwanang education grant mula sa day care, elementary hanggang senior high school at iba pang benepisyo.
Bukod dito prayoridad na mabibigyan ng interbensyon at modalities o employment facilitation services ang mga benepisyaryo na iprenesinta ng Sustainable Livelihood Program ng DSWD o iba pang katulad na programa ng mga ahensya ng gobyerno at accredited private institution.
Base sa Program Implementation Status Report sa unang quarter ng 2019, naipapatupad na ang 4Ps sa 144 siyudad at 1,483 munisipalidad sa 80 lalawigan mula sa 17 rehiyon sa bansa.
Sa kabuuan abot na sa bilang na 4,876,394 ang household-beneficiaries ang nakikinabang sa programa ng DSWD.