Cauayan City – Natanggap na ng lahat ng mga benipesyaryo ng Project Lawa at Binhi sa buong lambak ng Cagayan ang kanilang cash assistance kapalit ng ilang araw nilang pagseserbisyo.
Umabot sa mahigit 80 milyong piso ang halaga ng naipamahaging cash assistance kung saan nakatanggap ng P8,400 bawat isa ang 9,538 na parter-benificiaries ng nabanggit na proyekto.
Ang mga benipesyaryo ng naturang programa ay mula sa 21 bayan mula sa mga lalawigan sa buong Rehiyon Dos.
Matatandaang buwan ng Abril ngayong taon nang pormal na ilunsad ang programa, kung saan sumailalim sa 20 araw na pagsasanay sa paggawa ng imbakan ng tubig at communal garden ang mga benipesyaryo.
Umaasa ang kagawaran na bagama’t tapos na ang programa ay makatutulong ang naganap na pagsasanay upang matugunan ang kakulangan sa suplay ng tubig sa komunidad, at magkaroon ng karagdagang mapagkukunan ng pagkain ang mga residente.