Inanunsyo ni Land Transportation Office (LTO) Chief Vigor Mendoza na simula sa Oktubre 15 ngayong taon ay makakakuha na agad ng car plates ang mga bagong sasakyan na iparerehistro sa LTO.
Sa media briefing, sinabi ni Mendoza na ang kanilang plate making plant ay nakakapag-produce ng 32,000 na plaka ng mga sasakyan kada araw o may isang milyong car plates sa isang buwan.
Uunahin aniya na mabigyan ng plaka ang mga bagong rehistrong sasakyan.
Unti-unti aniya maiibsan na ang backlog sa plaka ng mga motor vehicle na 80,000 plates at 13 milyong backlog sa plaka ng mga motorsiklo.
Niliwanag din ni Mendoza na sa patuloy na pagpo-produce ng car plates ay kasama sa pinaglalaanan ng plaka ang mga replacement plate o mga green plate na pinapalitan ng puting plaka ng mga private car nationwide.