Kahit pa fully vaccinated na ang isang indibidwal ay kinakailangan pa ring magpresinta ng negatibong RT-PCR o swab test result kapag bibisita o magbabakasyon sa Boracay.
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni Malay, Aklan Mayor Frolibar Bautista na kailangan ito upang makatiyak na hindi makakapasok ang mga indibidwal na positibo sa COVID-19 sa isla.
Kasunod nito, nagbabala ang alkalde sa mga mamemeke ng RT-PCR result na maaari silang maharap sa asunto.
Nito lamang kasing linggo ay 11 indibidwal ang nahuli na nameke ng resulta ng swab test para lang makapagbakasyon sa Boracay.
Umaapela naman ang alkalde na magkaroon ng unified o isang sistema na magbeberipika sa authenticity ng isang vaccination card nang sa ganon ay hindi sila maiisahan ng mga mapagsamantalang indibidwal na posibleng carrier ng virus.