
Maaari nang mag-overnight ang mga bibisita sa kanilang mga namayapang mahal sa buhay sa Himlayang Pilipino Memorial Park sa Quezon City.
Kasunod ito ng unti-unting pagdagsa ng mga tao ngayong nalalapit na Undas.
Ayon kay Engr. Mike Abiog, Parks Operations Manager ng naturang sementeryo, magsisimula ito bukas October 31 bisperas ng Undas hanggang November 1.
Kaugnay nito, magpapatupad rin ng traffic scheme sa loob ng sementeryo para sa mas maayos na daloy ng trapiko.
Sa pagtataya ng pamunuan ng Himlayang Pilipino, umabot na sa mahigit 10,000 tao ang bumisita sa sementeryo simula Lunes hanggang ngayong araw.
Dagdag pa ng pamunuan ng sementeryo, posibleng umabot naman sa 130,000 o mas higit pa ang bilang ng bibisita ngayong taon.
Nagpakalat din ang pamunuan ng nasa 60 security personnel sa paligid ng Himlayang Pilipino habang inaasahan din nila na darating ang mga idineploy na mga tauhan mula sa Quezon City Police District at mga reservist mula sa Philippine Air Force at Philippine Army.
Sa ngayon ay inaasahan ang unti-unting pagbuhos ng tao mamayang hapon dito sa Himlayang Pilipino kung saan mahigit 47,000 ang bilang ng nakalibing dito.









