Nilinaw ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na kailangan pa rin ng mga sinumang bibiyahe sa mga lalawigan at iba pang rehiyon sa bansa na magdala ng travel passes bago payagan makalabas mula sa kanilang lugar.
Ayon kay DILG Undersecretary at Spokesperson Jonathan Malaya, maaari silang mag-apply ng travel passes sa help desk ng pinakamalapit na police station sa kondisyong may dalang medical certificate mula sa Municipal o City Health Office.
Paliwanag ni Malaya, nasa public health emergency pa rin ang estado ng bansa at kailangan pa ring kontrolin ang galaw ng tao para hindi kumalat ang nakakamatay na virus.
Gayunman, nilinaw ng DILG na exempted sa travel passes ang mga tatawid sa provincial at regional borders para magtrabaho.
Kailangan lamang nilang magdala ng company ID o dokumento mula sa kanilang kumpanya na magbibigay katwiran sa kanilang biyahe.
Muling nakiusap ang DILG sa publiko na sumunod na lamang sa ipinag-uutos ng Local Government Unit (LGUs) at national government para sa kapakanan ng lahat.