Mga BIFF na responsable sa pag-atake sa Datu Piang, nasampahan na ng kaso

Tuluyan nang nasampahan ng kaso ng Philippine National Police (PNP) ang lider at mga miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighter (BIFF) dahil sa ginawang pag atake sa Datu Piang, Maguindanao noong December 3, 2020.

Ayon kay Police Major General Marni Marcos, head ng binuong Board of Inquiry, mga kasong Multiple Frustrated Murder at Destructive Arson ang isinampa laban kina BIFF Commander Salahuddin Hassan Animbang Indong alyas Karialan at 133 na iba pa sa Maguindanao Provincial Prosecutors Office.

Sinabi pa ni Marcos, dahil nasampahan na ng kaso ang mga salarin ay tapos na ang imbestigasyon sa insidente.


Lumalabas aniya sa imbestigasyon ang pangugulo ay ginawa ng BIFF sa pangunguna ni Muhidden Animbang alyas Commander Karialan at Salahuddin Saguia alyas Sala Salik.

Natukoy rin sa imbestigayson na walang strategic deployment ang mga pulis at kulang ang koordinasyon at intelligence validation sa kanilang AFP counterpart.

Dahil dito, sinabi ni Marcos na para hindi na maulit pa ang nangyari, mas paiigtingin pa nila ang seguridad sa lugar gayundin ang pakikipag ugnayan sa kanilang AFP counterparts.

Bukod dito, rerebyuhin din ang Peace and Order Public Safety Plan sa Datu Piang at magiging malalim pa ang intelligence gathering.

Facebook Comments