Makatatanggap ang mga biktima ng magnitude 7 na lindol sa Abra ng cash assistance na hanggang ₱30,000 para muling itayo ang kanilang bahay.
Ito ay kinumpirma ni National Housing Authority (NHA) Assistant Secretary Avelino Tolentino, kung saan sinabi nito na ang NHA ay mayroong pondo para sa naturang ayuda sa ilalim ng Emergency Housing Assistance Program (EHAP).
Pero, paliwanag ni Tolentino na ang halaga na makukuha ay naka-depende pa rin sa lawak ng pinsala ng tahanan dulot ng lindol.
Aniya, ang pinakamababa na makukuha ng mga biktima ay nasa ₱5,000.
Dagdag pa ni Tolentino, batay sa talaan ng NHA as of August 1, ang bilang ng mga apektadong bahay ay umabot sa 20,533.
Sa ngayon, hindi pa inaanunsyo ng Housing Department kung ilang pamilya ang makikinabang sa cash aid.
Patuloy pa rin kasi aniya na vina-validate ang bilang ng mga apektadong pamilya na nasa 54,504.