Inanunsyo ngayon ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) na hanggang P30,000 tulong pinansyal ang nakatakdang ipamigay ng ahensiya sa mga nasiraan ng bahay sa Bicol Region dahil sa matinding hagupit ng Bagyong Kristine.
Ito ang pahayag ng DHSUD sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa lahat ng ahensya ng pamahalaan na kailangan ang tuloy-tuloy na tulong para sa mga nasalanta ng kalamidad sa bansa.
Ayon kay DHSUD Secretary Jose Rizalino Acuzar, agaran ang pamimigay ng unconditional cash assistance sa ilalim ng Integrated Disaster Shelter Assistance Program (IDSAP).
Paliwanag pa ni Acuzar, P15-M ang inisyal na inilaang alokasyon sa Region 5 partikular na sa Camarines Sur at Albay na lubhang tinamaan ng Bagyong Kristine at maraming mga bahay ang nawasak.
Sa ilalim ng IDSAP, P30,000 ang matatanggap ng mga may-ari ng totally damaged na mga bahay habang 10,000 naman sa mga partially damaged na mga tahanan.