Makatatanggap na ng danyos ang mga biktima ng extrajudicial killings, human trafficking, at iba pang human rights violation.
Ito ang nakasaad sa ilalim nang nilagdaang kasunduan ng Department of Justice (DOJ) at Commission on Human Rights (CHR) kaninang umaga.
Batay sa kasunduan, magkakaroon ng isang referral system ang mga biktima ng unjust imprisonment o detention at violent crimes para maging kuwalipikado sa Victim’s Compensation Program.
Makakatanggap ng ₱10,000 bayad-danyos ang mga kuwalipikadong aplikante, pero isinusulong na ng mga opisyal na itaas pa sa P50,000 ang compensation.
Bukod pa ito sa hiwalay na compensation ng CHR sa mga biktima ng human rights violation.
Ayon sa DOJ Board of Claims, nasa higit ₱52,000 claims na ang naaprubahan mula 1992 hanggang 2023, na nagkakahalaga ng ₱514 million na naipamahagi sa mga biktima.