Mga biktima ng kalamidad, dapat bigyan ng grace period sa pagbabayad ng utility bills

Isinulong ni Camarines Sur Rep. Gabriel Bordado na mabigyan ng sapat na panahon o grace period sa pagbabayad ng utility bills ang mga biktima ng kalamidad at iba pang natural disasters.

Nakapaloob ito sa inihain ni Bordado na House Bill 6534 o Delayed Payment of Bills for Persons Affected by a State of Calamity Bill.

Layunin ng panukala ni Bordado na mabigyan ng pagkakataon ang mga biktima ng kalamidad na maka-recover at makatututok sa iba pang pangunahing pangangailangan.


Saklaw ng batas ang mga residente o negosyo sa mga lugar na nasa ilalim ng state of calamity dahil sa pananalasa ng bagyo, baha, lindol, pagputok ng bulkan, tsunami at iba pang kaparehong pangyayari.

Ayon kay Bordado, maraming mga Pilipino ang nawawalan ng pera at kabuhayan dahil sa mga kalamidad kaya nahihirapang tugunan ang kanilang mga utility bills o singil sa konsumo sa tubig, kuryente, telepono at internet, cable at iba pang katulad na bayarin.

Facebook Comments