Mga biktima ng kalamidad, ipinasasama sa mga benepisyaryo ng 4Ps

Binuhay muli ni Senator Alan Peter Cayetano ang panukala na isama ang mga biktima ng kalamidad sa mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) kasunod na rin ng pananalasa ng Bagyong Amang.

Paliwanag ni Cayetano, layon ng 4Ps na maresolba ang intergenerational poverty na ang isa sa mga dahilan ay ang kabiguang makabangon ng mga pamilyang apektado ng kalamidad.

Sa Senate Bill No. 302 o ang 4Ps for Disaster Victims Act ng senador, nais niyang gawing benepisyaryo ng 4Ps sa loob ng isang taon ang mga indibidwal na hindi naman itinuturing na mahirap subalit biktima ng kalamidad.


Ang mga indibidwal naman na kabilang sa mahirap na sektor pero biktima ng kalamidad ay gagawin namang benepisyaryo ng mas matagal na panahon.

Naniniwala ang senador na sa pamamagitan nito ay matitiyak ang muling pagbangon ng mga naapektuhan ng bagyo o iba pang kalamidad.

Sa kasalukuyang sistema, ang mga pamilyang apektado ng bagyo, lindol o anumang kalamidad ay pinagkakalooban ng DSWD ng immediate financial assistance at saka sila isasailalim sa assessment para sa economic status sa loob ng 15 hanggang 30 araw.

Idinagdag ng senador na bagama’t hindi kayang pigilan ng gobyerno ang mga sakuna, maaari nitong palakasin ang mga ahensya upang kaunti lang ang mga pamilyang maaapektuhan.

Facebook Comments