Nagsanib pwersa na ang Technical Education and Skills Development Authority o TESDA at Department of Labor and Employment o DOLE para tulungang makabangon ang mga pamilyang naapektuhan ng malakas na lindol kamakailan sa Northern Luzon.
Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni TESDA Director General Danilo Cruz na sasamahan nila ng skills training ang programang TUPAD ng DOLE.
Paliwanag pa ng opisyal, bibigyan nila ng pagsasanay sa pagkakarpintero, mason at electrician ang mga naapektuhang residente.
Bibigyan aniya nila ng tool kits ang mga ito para magamit sa pagsasanay, habang sa panig ng dole ay bibigyan sila ng karampatang allowance habang nagsasanay sa ilalim ng TUPAD program.
Sinabi ni Cruz, kapag meron nang training ang mga residente na nasamahan ng kahit konteng allowance, kakayanin na ng mga ito na kumpunihin ang mga nasira nilang mga bahay, magagamit pa sa ibang pagkakataon o sa paghahanapbuhay ang mga matututunan nila sa pagsasanay.
Sinabi pa ng opisyal target nilang mabigyan ng tinatawag na emergency employment certificate and training ang 1,400 na mga residenteng naapektuhan ng lindol.
By batches aniya gagawin ang training session, tig-25 katao bawat batch at saka sila iaasess pagkatapos ng training at iisyuhan ng certification.