Umabot sa 27 libong pamilya na biktima ng 7.3 magnitude na lindol noong Hulyo 27 ang naging benepisyaryo ng ipinamahaging ₱270 milyong tulong pinansiyal ng National Housing Authority (NHA) sa ilalim ng Emergency Housing Assistance Program.
Personal na pinangunahan ni NHA General Manager Jeoben Tai ang pamamahagi ng nasabing tulong sa mga nasalanta ng lindol sa Abra at Ilocos Sur.
Nasa 388 pamilya na nawalan ng tahanan ang nakatanggap ng tig-₱20,000 halaga habang mayroon namang 26,280 pamilya na bahagyang nasiraan ng kabahayan ang benepisyaryo ng tig-₱10,000 tulong pinansiyal.
Dumaan naman ang mga benepisyaryo sa masusing inspeksyon at balidasyon ng mga opisina ng NHA sa rehiyon sa tulong ng mga lokal na pamahalaan, partikular na ng mga lokal na opisina ng Social Welfare and Development.
Samantala, umaasa ang NHA na magagamit ng mga benepisyaryo ng EHAP ang tulong na kanilang natanggap para makapagsimulang muli at makapagtayo ng komportableng tirahan.
Nangako rin ang ahensiya na patuloy itong susuporta sa iba pang mga kababayan na nangangailangan din lalo na sa usaping pabahay.