Cauayan City, Isabela – Aabot sa mahigit 1.3 milyong piso na Financial Assistance ang ibinahagi kamakailan ng Police Regional Office (PRO) 2 para sa mga biktima ng bagyong Odette sa pamumuno ni Regional Director, PBGen. Steve B Ludan sa pamamagitan ng kanyang konseptong Big Brother sa MIMAROPA Region.
Nagkakahalaga ng kabuuang Php1,367,150 ang tseke ng nasabing tulong ang iniabot kay PBGen Sidney Hernia, Regional Director ng PRO MIMAROPA sa Camp Crame, Quezon City.
Ang naturang halaga ng pera ay mula sa nalikom ng PRO2 galing sa Regional Community Affairs at Development Division Chief, PCol Mario P Malana at sa tulong na ibinahagi ng mga ibang Police Officers, mga miyembro ng KKDAT, mga relihiyosong sektor, at mga stakeholder sa lambak ng Cagayan.
Inihayag ni Regional Director Ludan, na ang naunang tulong na ibinahagi ng PRO2 ay nagkakahalaga ng Php 1.4 Million na may mga kasamang relief goods mula naman sa grupo ng mga KKDAT, MBK-LC at iba pang stakeholder para sa mga biktima ng bagyong Odette.
Habang ang nabanggit na ikalawang tulong ay para naman sa mga PNP personnel na apektado ng bagyo.
Binigyang diin ng pinuno ng PRO 2 na ang inisyatibong ito ay mula sa PNP National Headquarters na layong magbigay ng tulong para sa mga kababayang biktima ng kalamidad at sakuna.