Basilan – Labing-isang biktima ng masaker sa Barangay Tubigan munisipyo ng Maluso lalawigan ng Basilan ang inilipad sa lungsod ng Zamboanga para bigyan ng karagdagang atensiyong medikal.
Base sa salaysay ng ilang biktima bandang alas-5 ng madaling araw nang bigla na lamang silang paulanan ng bala ng higit kumulang 200 mga armadong lalaki na nagsusuot ng camouflage at naka-bota habang hawak-hawak ang kanilang mga matataas na kalibre ng armas.
Siyam ang kumpirmadong patay kung saan isa sa mga ito ay miyembro ng Cafgu na si Reynaldo Esparcio na di umano ‘y pinagtataga at pinutol pa ang ulo dahil sa panlalaban sa mga armadong grupo, habang isa pang tatlong taong gulang na batang lalaki ang namatay.
Ang mga inilipad dito sa Zamboanga ay sina Avel Laping, Arkani Jauhari, sampung taong gulang; Gaspar Papal, pitong taong gulang; Arkani Estrella; Joyce Ryan; Roderick Villarin; Jordan Garcia; Joel Del Cruz; Lukaya Atakan; Grace Fernandez at kanyang live in partner si Reck Goplo, nasa Bascom Hospital pa rin sa ngayon si Arnold Avenido labing dalawang taong gulang at si Jummy Alajid .
Apat na mga bahay naman ang sinunog ng mga armadong grupo, at pagkatapos ay pumunta ang mga ito sa Barangay Mahayahay, pero sa impormasyong nakalap ng RMN Zamboanga, ito na ang pangalawang pag-atake ng armadong grupo sa nasabing lugar kung saan ang nauna ay noong taong 2010.
Sa ngayon, umaabot na ang sagupaan ng militar at mga armadong grupo sa Barangay Seroggon at Buton, kung saan maraming pamilya na rin ang nasipaglikas para maiwasang maipit sa sagupaan.