Inihayag ng pamunuan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na kabuuang 148 na Persons Deprived of Liberty (PDLs) at 19 na mga tauhan ng BJMP sa Bocaue Municipal Jail ang kumpleto nang nabakunahan ng COVID-19 vaccine.
Ayon kay BJMP Chief Jail Director Allan Iral, dalawa sa mga nabakunahan ay mga senior citizen at 10 ang may comorbidities.
Paliwanag ni Iral, target nilang tiyaking lahat ng makakalaya sa pasilidad ay mabibigyan ng proteksyon laban sa pandemya.
Pinapurihan ng opisyal si )Bocaue Municipal Jail Warden Chief Inspector Manolet Datan at kaniyang mga tauhan sa pagpursige na tiyaking mabakunahan ang lahat ng PDL at personnel sa jail facilities.
Matatandaan na noong nakalipas na June 15, unang isinagawa ng BJMP National Headquarters ang mass vaccination ng personnel nito mula sa Regions 3, CALABARZON, at MIMAROPA.
Sa kasalukuyan, umabot na sa 10,459 BJMP personnel at 1,766 PDL na karamihan ay mga senior citizens at may comorbidities ang tapos nang mabakunahan.