Mga binahang residente sa Naic, Cavite, inilikas

Umaabot na sa 99 na pamilya o 359 na residente ang nailikas ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) matapos ang pagbaha sa Barangay Bucana Sasahan, Naic, Cavite ngayong araw.

Nasa 93 na pamilya o 334 na mga residente ang dinala sa Bucana Sasahan Elementary School at Pueblo Del Mar National High School, habang anim na pamilya naman o 25 residente ang kasalukuyang nananatili sa barangay hall ng Bucana Malaki, Naic, Cavite.

Sa ngayon, nagpapatuloy pa ang malawakang paglilikas ng PCG sa mga residenteng apektado ng pagbaha sa Cavite.


Samantala, naghahanda na rin ang PCG sa posibleng evacuation o search and rescue operations sa apat na barangay sa Rodriguez, Rizal dahil sa pagbaha.

Kabilang dito ang Barangay Burgos, Barangay San Jose, Barangay Manggahan at Barangay Balite.

Sa ngayon, puspusan din ang paglilinis ng mga tauhan ng Coast Guard sa tulay sa loob ng Dela Costa Home Subdivision sa Barangay Burgos dahil sa mga nagbarang basura at kahoy na nagdudulot ng pagbaha sa lugar.

Facebook Comments