Ngayong buwan inaasahang darating na ang 2,600 units ng mga body camera na gagamitin sa anti-drug operations ng Philippine National Police.
Ito ay ginastusan ng ₱287 million ng PNP.
Ayon kay PNP Chief General Camilo Cascolan, sa pagtalakay ng Senado sa proposed 2021 budget ng Department of the Interior and Local Government kung saan attached agency ang PNP, isasailalim sa functional test evaluation ang mga body cameras simula sa October 12.
Ipinaliwanag ni Cascolan na naantala ang delivery nito bunga ng pinahigpit na patakaran sa pagbyahe sa buong mundo dahil sa COVID- 19 pandemic.
Magugunitang iginiit ng mga senador ang paggamit ng body camera ng mga pulis na nagsasagawa ng “oplan tokhang” dahil na rin sa akusasyon ng extra judicial killing.
Samantala, sa budget hearing ay kinilala ni Senator Christopher “Bong” Go ang kahalagahan at naiambag ng mga pulis bilang frontliners sa laban ng bansa sa COVID-19.
Gayunarin ang kanilang malaking tulong sa mga Local Government Units (LGUs) sa contact tracing at suporta sa muling pagbangon mula sa epekto ng COVID 19.