Pinayuhan ng Malacañang ang publiko na huwag maging Amerikano na masyadong binibigyan ng kahulugan ang lahat maging ang mga biro.
Ito ang pahayag ng Palasyo matapos magpaalala ang Commission on Human Rights (CHR) kay Pangulong Rodrigo Duterte at iba pang government officials na nagbibiro tungkol sa sex at pambababae sa kasagsagan ng post-typhoon briefing sa Camarines Sur na ang pag-objectify sa mga kababaihan ay isang uri ng violence.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, hindi dapat sineseryoso ang mga biro ng Pangulo.
“Ganoon lang talaga si Presidente at hindi na siya pwedeng magbago because he’s already in his 70s,” sabi ni Roque.
“Pero wala pong malice ang mga jokes niya,” dagdag pa niya.
“Ang pakiusap ko po, ‘wag tayong parang Amerikano. Ang mga Amerikano kasi lahat binibigyan ng napakalalim na kahulugan,” ani Roque.
Iginiit pa ni Roque na may malinis na record si Pangulong Duterte lalo na sa pagprotekta sa karapatan ng mga kababaihan.
“Davao really stands out as a model city when it comes to upholding and asserting women’s rights, reproductive rights, and providing them security against domestic violence,” sabi ni Roque.
Matatandaang nagpalitan ng sex jokes sina Pangulong Duterte kay Social Welfare Undersecretary for Bicol Affairs Marvel Clavecilla sa situation briefing ng Typhoon Ulysses sa Camarines Sur noong November 15.