Nakalikom ng kabuuang 3.48-trillion pesos ang 116 inuwing investment pledges ni Pangulong Bongbong Marcos mula sa mga biyahe nito sa ibang bansa.
Sa pahayag ng Presidential Communications Office, pinakamalaking halaga rito ay mula sa biyahe sa China na nagkakahalaga ng higit 24-billion US dollars o higit 1.3-trillion pesos.
Simula nang umupong presidente noong June 2022, maliban sa China ay bumisita si Marcos sa mga bansang Indonesia, Amerika, Cambodia, Thailand, Belgium, Switzerland, dalawang beses sa Singapore at ang pinakabago sa Japan.
Samantala, sinabi ng pangulo mismo na nagsisimula nang maramdaman ang mga kasunduang nilagdaan niya sa mga nagdaang foreign trips.
Ayon kay Marcos, partikular dito ang ilang memoranda of understanding na nilagdaan sa Indonesia at Singapore kung saan inaasahang pasinayaan ang ilan sa mga proyekto sa mga susunod na liggo.
Tiniyak naman nito na minamadali na nila ang paghimay sa mga investment pledges upang mapakinabangan ng bansa ang mga contacts na ginawa sa mga foreign investors.