Napagpasyahan ng pamahalaan na palawigin ang travel ban nito sa mga biyaherong banyaga mula sa 19 na bansa at teritoryo simula ngayong araw hanggang sa kalagitnaan ng Enero.
Layunin nitong mapigilan ang pagpasok ng bagong varian ng COVID-19 mula sa United Kingdom.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, ang expansion ng travel restrictions ay ganap nang epektibo kaninang alas-12:01 ng madaling araw at magtatagal hanggang January 15, 2021.
Kaugnay nito, inilabas na rin ni Executive Secretary Salvador Medialdea ang memorandum para sa karagdagang hakbang laban sa bagong COVID-19 strain.
Ang mga foreign travelers na manggagaling sa sumusunod na bansa ay bawal pumasok sa Pilipinas.
- Denmark
- Ireland
- Japan
- Australia
- Israel
- Netherlands
- Hong Kong
- Switzerland
- France
- Germany
- Iceland
- Italy
- Lebanon
- Singapore
- Sweden
- South Korea
- South Africa
- Canada
- Spain
Pinalawig din ng pamahalaan ang travel ban sa mga flight na magmumula sa UK hanggang January 15.
Ang mga Pilipinong manggagaling sa mga nabanggit na bansa ay papayagang pumasok sa bansa pero kailangan nilang sumailalim sa 14-day quarantine ano pa man ang resulta ng kanilang RT-PCR test.
Ang mga pasaherong nasa biyahe na at dumating bago ang December 30 mula sa mga nabanggit na lugar ay hindi pagbabawalang pumasok sa bansa, pero kailangang nilang sumalang 14-day quarantine period.