
Binuksan na muli ng National Food Authority (NFA) ang kanilang mga bodega sa Bulacan para sa bentahan ng palay ng mga magsasaka.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, nasa 5,000 kilos ng sako ng palay ang maaaring bilhin ng NFA sa mga magsasaka sa Bulacan matapos mabakante ng suplay ang kanilang mga bodega sa probinsya.
Batay sa NFA, tumaas na ang kanilang buying price sa mga palay sa buong bansa, kung saan ₱18 hanggang ₱19 per kilo sa mga fresh o sariwang palay, habang ₱24 per kilo para sa mga tuyo o dry palay.
Sa pamamagitan nito ay madaragdagan ang kita ng mga magsasaka, at magiging matatag ang buffer stock o imbak na suplay sa panahon ng kalamidad.
Mapupunan din ang grains reserves ng ahensya na pwedeng gamitin para sa pagpapatuloy ng bentahan ng ₱20/kilo ng bigas.
Sabi ni Castro, layon ng pamahalaan na maibalik ang kapangyarihan ng NFA na makapagbenta ng bigas diretso sa mga consumer para mas kontrolado at matatag ang bentahan sa mga pamilihin, at hindi na muling sumirit ang presyo ng bigas.









