Mga bonus at supplemental allowance ng mga pulis ngayong Pasko, tiniyak ng PNP

Siniguro ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) na matatanggap ng mga pulis ang lahat ng kanilang mga bonus, supplemental allowances at iba pang mga benepisyo ngayong darating na Pasko.

Ito ay matapos ang pahayag ni PNP Chief PGen. Camilo Cascolan na hindi na magkakaroon ng Christmas party sa lahat ng unit at tanggapan ng PNP gayundin sa mga social club at sectoral organizations ng mga pulis.

Ayon kay PNP Spokesperson PCol. Ysmael Yu, hiniling ni Cascolan ang maliit na sakripisyong ito sa kanilang mga tauhan bilang pagiging sensitibo sa kalagayan ng karamihan dahil sa nararanasang pandemya.


Maliban sa magarbong paghahanda, sinabi ni Yu na may ibang paraan para ipagpasalamat ang mga biyayang natanggap sa pagdiriwang ng Pasko sa piling ng Diyos at pamilya.

Pero tiniyak ni General Cascolan na makatatanggap ng biyaya ang lahat ng 210,000 na miyembro ng PNP ngayong darating na Pasko.

Facebook Comments