Ilang mga residente sa 25 Barangay Tondo, Maynila ang nalito matapos na ilipat ang kanilang lugar ng pagbobotohan.
Nabatid na nag-abiso ang 2nd District ng COMELEC-Manila na inilipat ang mga botante sa President Sergio Osmeña High School mula sa Florentino Torres High School.
Bunsod nito, nasa 49 na polling precinct na ang nakatalaga sa President Sergio Osmeña High School mula sa dating 5 presinto.
Aabot na rin sa halos 27,000 registered voters ang inasahang boboto sa President Sergio Osmeña High School kaya’t maaga pa lamang ay dumagsa na ang mga botante partikular ang mga senior citizen at mga PWDs.
Bagama’t handang-handa na ang 2nd District ng COMELEC-Manila sa gagawing botohan, pahirapan naman ipatupad ang ilang health protocol guidelines dahil sa mga nais makaboto nang maaga.
Sa ngayon, patuloy na pinapapasok ang mga botante kung saan mahaba na ang pila sa labas ng nasabing paaralan at wala pa naman naitatalang nagkaroon ng pagtaas ng temperatura o kaya ay nagpakita ng sintomas ng COVID-19.
Mahigpit naman ang ginagawang pagbabantay ng mga tauhan MPD Station-1 para masiguro ang kaayusan at kapayapaan habang katuwang nila ang ilang miyembro ng Bureau of Fire Protection (BFP) kung saan may first aid station na itinayo sa labas ng paaralan.