Pinayuhan ni Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Guillermo Eleazar ang mga botante sa darating na eleksyon na huwang tatanggap ng pera sa mga kandidato at baka mabudol ng pekeng pera.
Ginawa ni Eleazar ang paalala matapos na mahuli ng mga tauhan ng Criminal Investigation and detection Group (CIDG) at Banko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang dalawang suspek na bahagi ng sindikato na nasa likod ng pagsasagawa at pagpapakalat ng pekeng pera sa Cebu.
Mahigit 100 libong pisong halaga ng pekeng 1000 at 500 pisong bill ang nakuha sa dalawang arestadong suspek na sina Ivan Noval Luardo at Joseph Mercado Salas sa dalawang magkahiwalay na operasyon sa Cebu.
Batay sa impormasyon ng CIDG, ang pekeng pera ay inihahanda para sa darating na eleksyon.
Payo naman ni Eleazar sa publiko na ipagbigay alam agad sa mga awtoridad kung nabiktima o napasahan ng pekeng pera para mahuli agad ang mga nasa likod nito.