Mga botanteng aabutan ng gabi sa presinto sa darating na halalan, pwede pa ring makaboto

Tiniyak ng Commission on Elections (Comelec) na maaaring makaboto pa rin ang mga botante kahit tapos na ang itinakdang oras para sa botohan.

Ayon kay Comelec Director Teopisto Elnas Jr., inirekomenda ng Comelec na simulan ang botohan sa May 9, 2022 sa ganap na alas-6:00 ng umaga hanggang alas-7:00 ng gabi.

Kinwestyon naman ni Bayan Muna Partylist Rep. Carlos Isagani Zarate na dahil sa sitwasyon sa pandemya at mas mahabang oras na inilaan sa mga botante lalo na sa mga senior citizen ay posibleng marami pang mga botante ang nakapila at nakaabang para makaboto na lagpas na sa deadline na alas-7:00 ng gabi.


Tugon dito ni Comelec Commissioner Marlon Casquejo, pwede pa ring makaboto ang mga botante kahit inabutan na ng alas-7:00 ng gabi basta’t nakapila at nasa 30 metro ang layo sa bisinidad ng mga presinto.

Binabalak na rin ng Comelec na magsagawa ng voters’ education lalo na sa oras ng pagboto.

Paliwanag ng Commissioner, mayroong mga “idle” hour o patay na oras na walang botante ang bumoboto sa presinto.

Karaniwan aniya rito ay tuwing tanghali kaya hinihimok ang mga botante na magpunta sa voting precinct sa ganitong oras.

Facebook Comments