
Sa kabila ng pagtaas ng presyo ng mga bulaklak, patuloy pa rin ang pagdagsa ng mga mamimili sa Dangwa Flower Market.
Ilang araw bago ang Undas, tumataas na ang presyo ng ilang bulaklak kung saan umaabot sa ₱200 ang mga nasa maliit na paso, habang ang nasa maliit din na basket ay nasa ₱250 hanggang ₱350.
Mula sa dating ₱300, umaabot na sa ₱450 hanggang ₱600 ang presyo ng isang dosenang iba’t ibang kulay ng rosas.
Ilan sa mga mamimili ay dumayo mula sa probinsya dahil mas nakakatipid sila kumpara sa bentahan sa kanilang lugar.
May ilang tindera naman ng bulaklak na per kilo ang bentahan dahil mas marami ang bumibili nito kumpara sa bundle.
Ilan sa mga nagtitinda rito ay ang grupo nina Ginang Gina Alvarez, na ang suplay ng bulaklak ay nanggagaling pa sa Laguna.
Mabenta rin ang mga bulaklak na Malaysian mums na umaabot sa ₱350 hanggang ₱450 kada bundle, at gerbera na nasa ₱350 hanggang ₱450.









